Sira na naman ang makina ng sasakyan
Kapag natisod ang isang paa mo sa bato, hindi ka makakalakad agad. Hahanap ka ng mauupuan at dahan dahang hahaplusin ang parteng masakit . Ngunit tatayo ka rin kapag sa tingin mo, kaya mo na.
Kahit masakit pa at kumikirot kirot, hindi mo na ito iindahin. Lalo na kung huli ka na ng limang minuto sa pupuntahan mo. Sasakay ka agad papunta roon na parang walang nangyari. Na parang hindi ka tumigil at nasaktan.
Makakarating ka sa pupuntahan mo nang nakangiti, hihingi ng tawad dahil nahuli ka nang kaunti, at magpapatuloy na ulit.
Paulit- ulit pero hindi ka napapagod. Paano mo nagagawa ‘yon?
Naalala ko kasi noong mga nakaraan, dumako ako sa isang lugar na hindi ko pa kailanman natunton. Bago ito sa aking paningin kaya naninibago ako, ngunit akalain mong magiging masaya pala ako roon.
Lumakad ako roon nang nakangiti kahit na bago ako makarating ay nagkagalos ako dala ng pagkakatisod ko sa isang bato. Pero bakit parang bilog ang daang tinatahak ko. Ang alam ko kasi, nakapunta na ako sa madilim at masikip na lugar na ito. Umusad ba ako? Nakausad man lang ba ako?
Hindi pa rin pala ako umuusad.
Bakit pakiramdam ko, ang umusad ay isa sa pinakamahirap na gawin. Tinuruan naman ako ng mga magulang ko na humakbang — maglakad at tumakbo sa kalsada ng buhay.
Pero bakit narito na ulit ako sa lugar kung saan mo ako huling nakita. Ang lugar na dati’y kainan ng mga trabahador ay nagbago na; ako lang ang hindi.
Nasa tapat pa rin ako ng isang eskinitang tinigilan ng sinasakyan ko ilang taon na ang nakakaraan. Ang eskinitang nagdadala ng maraming ala- ala — pait, sakit, hinagpis at iyak.
Kailan ito aandar?
Kailan ako uusad?
Kailan ako magiging masaya?
Lubos kong nauunawaan na ang pag- usad ay mahirap at hindi minamadali. Hindi ito diretso, hindi tuloy- tuloy. Bagkus, maliligaw ka pa nga, mawawala at malilito kung saan ba talaga ang tamang daan. Kaya ayos lang na namnamin ang sakit kung iyon ang paraan para hindi na maramdaman ito.
Pero minsan naiisip ko…
Kailan ko kaya maaayos ang sasakyan na ito? Saan ko ito p’wedeng ipaayos? Pakiusap, tulungan mo ako.
Kasi sira na naman ang makina ng sasakyang sinasakyan ko.
Written by Seenicaetoh