Sinasadya kong maligaw
Maraming nagtataka kung bakit palagi akong huli pumasok sa aming unibersidad. Malapit lang naman kasi ang bahay ko, isang sakay lang at wala pang isang oras ang byahe.
Maaga rin ako kung gumising; kung ang pasok ay ala- una pa ng hapon, gagayak ako tatlong oras bago pumatak ang alas dose— hindi ako huli.
Alam ko rin kung saan ang mga pasikot sikot ng daang tatahakin ko, kung saan ang tamang sakayan at saan dapat na bumaba.
Hindi ako huli, lalo na pagdating sa'yo. Kung ang usapan natin ay sabado pa, maghahanda ako ng isusuot ko miyerkules ng gabi. Planado ko rin ang lahat, para hindi masayang ang oras kasama ka. Tatanungin ka kung ano ang nais mo, kahit hindi na ang gusto ko— palagi kang una.
Kaya nang ihuli mo ako ay nawala ako. Imposibleng mawala ako kung hindi posibleng mawala ka sa paningin ko. Ang miyerkules ng gabing paghahanda ay naging sabado na ng umaga— palagi na akong huli.
Palagi na akong huli, lalo na pagdating sa'yo. Hindi dahil sa hindi na ako nasasabik, hindi dahil sa hindi na ako kinikilig, at hindi dahil sa hindi na kita iniibig.
Nais ko lamang maramdaman na hanapin mo rin ako. Na kung mapapadpad ba ako sa bulwagang puno ng mga panauhin ay matatanaw mo ba agad ako?
Sinasadya kong mahuli, baka sakaling hindi ka mapakali kahahanap at hintay sa irog mo. Baka ngayon, ako naman ang unahin mo. Na baka bagalan mo rin ang lakad mo para hindi sumakit ang mga paa ko kahahabol sa’yo.
Sinasadya kong maligaw, nagbabaka sakaling ako naman ang matagpuan mo.
Isinulat ni Seenicaetoh