Paulit- ulit kong ihuhulog ang tinidor…
Marami na akong narinig na pamahiin o paniniwala sa buong Asya. Sa tingin ko nga minsan ay pare-pareho na lamang sila.
Pero kung tatanungin mo ako kung anong pinakapaborito ko sa kanila, iyon ay kapag may nahulog daw na kutsara o tinidor, may darating.
Kutsara kapag babae, tinidor naman kapag lalaki.
Naalala ko noong bata pa ako. Kapag wala pa ang tatay at nanay ko, sinasadya kong ihulog ang kutsara at tinidor kasi naniniwala akong darating din sila. At nakamamanghang, dumarating nga sila.
Sinadya ko man o hindi.
Hanggang paglaki ko ay nadala ko ang paniniwalang iyon. Kung kaya’t hindi nakapagtatakang pagpatak ng alas sais pagtapos lumubog ang araw ay alam kong darating ka...
Kasabay ng paghulog ng tinidor sa aking kamay.
Isang gabi, nagluto ako ng ulam na madalas mong bigyan ng papuri— ampalaya na may itlog.
Dahil sabi mo, kapag ako ang nagluluto ay walang pait bagkus may tamis ka pa ngang nalalasahan.
Humakbang ang maliit na kamay ng orasan papuntang anim na numero. Hudyat na sana ng iyong pagdating. Pero bakit...
Wala ka pa?
Babalik ka pa ba?
Hindi ako mapapakali kahit siguro lagyan ang mga paa ko ng tali. Kinuha ko ang tinidor at ilang ulit na hinulog ito. Unang hulog para sa paniniwalang baka sakaling naligaw ka lang.
Pangalawang hulog sa pag- asang babalik ka pa kasi baka nagdagdag ka lang ng ilang minuto sa trabaho mo.
Panghuling hulog sa tanong kung, "Makakarating ka pa ba?"
Kung madadaan lang sa paglaglag ng mga tinidor, kahit may tusok pa ito ng paborito kong pagkain...
Paulit- ulit ko itong ihuhulog, makauwi ka lang sa akin.
Written by Seenicaetoh