Pangarap kong umupo
Bilang pangalawa sa panganay, kinalakihan ko na ang magkaroon ng maraming pangarap para sa aking sarili at pamilya. Kada taon, nagbabago ang mga gusto ko.
“Gusto kong maging guro!”
“Gusto ko magpagaling ng mga tao.”
“Gumawa kaya ng mga disenyo para sa gusali?”
Iba-iba pero lahat ay hangarin, lahat ay minimithing makamit. Isang beses habang papalubog ang araw, malamlam ang liwanag, at malamig ang simoy ng hangin, naupo ako kasama ang taong paborito kong kasama na magkape.
“Anong gusto mo sa buhay?” Tanong ko.
“Simple lang. Pangarap kong umupo.”
Nasamid ako sa hinihigop kong kape, “Nakaupo ka na.”
“Pangarap kong umupo habang hindi na iniisip ang pera. Umupo habang namumuhay nang komportable kasama ang pamilya. Pangarap kong umupo kasama ka.”
Sa tingin ko, natupad niya na ang isang pangarap niya ngayon pa lang. Habang hawak ko naman ang siguradong pangarap ko.
Isinulat ni Seenicaetoh