Miski salamangkero’y mamamangha
Bihira lang ako magbigay ng komplementaryo patungkol sa isang bagay. Nakita ko man ito ng isang beses na o naulit na itong nasilayan ng aking mga mata.
Ang mga mata mong tila may sariling hardin at ikagagalak kong tanggapin kung kukuhanin mo akong hardinera. Aayusin ko nang pagkakasalansan ang mga bulaklak, magbabaka sakaling maisipan mo akong pakasalan.
Biro lamang, o biro pa nga ba?
Sa tuwing titingnan mo ako nang mabuti, na parang nais mo akong kabisaduhin dahil mabusisi. Mabusisi mo akong hinahagod ng iyong tingin.
Mata ko ba ang may mali? Suot ko ang aking salamin, kaya hindi malabo.
Hindi malabong matagpuan ko ang sarili ko sa iyong bisig. Tingnan mo akong maigi at 'wag kang magtitira kahit isa o kalahating sulyap.
Tila nahulog na nga ako sa iyong patibong. Miski salamangkero'y mamamangha, kung sisilay siya sa iyong mga mata.
Isinulat ni Seenicaetoh