Mas gusto kong makita ka sa gitna ng kaguluhan

Seenicaetoh
2 min readAug 17, 2024

--

(Pintrest)

Busina ng mga sasakyan, usok, nagsisiksikan at tila nagmamadaling mga empleyado’t estudyante.

Alas singko ng hapon madalas nating masaksihan ang mala-pelikulang senaryong ito. Kasabay ng sinag ng araw na dumadampi sa ating mga balat— hindi na masakit sapagkat papalubog na.

Madalas akong magreklamo sa tuwing uuwi ako ng ganitong oras. Sino ba namang tao ang gugustuhing makipagsiksikan sa jeep habang lahat kayo ay tagaktakan ang pawis.

Sari- sari na ang amoy niyo, maingay pa ang tsuper, at may mga ayaw pang makisama na umusod man lamang nang kaunti para makaarangkada na ang jeep.

Masakit sa ulo kung iisipin, pero maniniwala ka bang mas gusto kitang makita sa gitna ng kaguluhang ito?

Maaari akong sumakay sa komportableng 'bus' kung aking nanaisin. Hindi ko kailangang makipag- agawan ng puwesto sa waluhang pampasadang sasakyan na ito.

Pero narito ako’t tinatanaw ka kagaya ng dati. May pulang bag na nakapatong sa iyong mga hita, nakatitig sa labas, at humihinga sa paligid kung saan naman ako’y hindi makahinga.

Mabilis ang tibok ng puso at hindi maalis ang tingin sa’yo.

Nalimutan kong naiinis nga pala ako, naiirita sa katabi kong kung umupo parang walang nasisiksik sa kanan niya.

Naiiyak.

Naiiyak dahil kahit tumatahimik ang mundo ko, kumakalma dahil nariyan ka sa paligid ko, hindi naman ako makalapit.

Dahil noong minsang inalis mo ako sa ingay ng mundo, ikaw ang naging magulo. Na kung kailan nasa tahimik na tayong mundo, imbis na paingayin mo ang puso ko ay isip ko ang ginulo mo.

At kahit masakit pakinggan, parehas lamang tayo ng sinasakyan ngunit hindi na tayo kailanman magsasabay na bumaba.

Kaya paumanhin kung mas gusto kitang makita sa gitna ng kaguluhan. Kaysa matagpuan ka nga sa katahimikan, hindi naman payapa.

Written by Seenicaetoh

--

--

Seenicaetoh
Seenicaetoh

Written by Seenicaetoh

Writing scares me, yet this is my escape/ Tiktok/fb/IG/X: Seenicaetoh

No responses yet