Kung wala akong rason para baliktarin ang damit ko
Marami na akong nasulat na pyesa tungkol sa pagkawala, pagkaligaw, at pagkagulumihanan. Kadalasan, tungkol ito sa perspektibo ng taong naghihintay sa mga naligaw at hindi na kailanman bumalik.
Ngayong umaga habang narito ako sa labas at humihigop ng kape, pinitik ako ng isang tanong na, "Bakit kaya hindi na sila bumabalik?"
Nang higupin ko ang kape ko ay naalala ko ang isang malinaw ngunit masalimuot na alaala. Sabi ng lola ko, kapag daw pakiramdam mo ay naliligaw ka sa isang gubat o 'di kaya naman ay sa lugar na hindi mo inaaasahang mapapadpad ka ay baliktarin mo lamang daw ang damit mo.
Hindi ako naniniwala sa ganoong mga pamahiin dahil sabi ko, wala namang koneksyon ang damit sa kapabayaan ko. Kaya nang maligaw ako sa isang gubat habang dala ang bisikleta ko, agad kong binaliktad ang suot kong damit. Dahil nais ko pa na makauwi ako— hahanapin ako ng nanay at tatay ko.
Naubos ko na ang kape ko at naisip ko na kaya nakauuwi ang isang tao kahit na tila imposible ay dahil sa gusto nila. May rason kung bakit gusto nilang umuwi.
Iniibig kita, ngunit masakit na ang paa ko kahahanap sa tamang daan pabalik sa tahanan natin. Bigyan mo ako ng liwanag at akaying umuwi na.
Natatanaw kita sa malayo ngunit nakatingin ka lamang at walang lakas na lumapit sa naghihikahos kong damdamin. Nagsusumigaw kang bumalik ako, nais mo akong hagkan, at damdami'y mapagaan.
Ngunit bakit kailangan na palaging ako ang unang hahakbang papalapit sa iyo? Unang humawak sa kamay mo? Hindi sinusukat ang pag- ibig pero hindi rin masamang tumbasan mo ang akin...
Kahit minsan.
Kaya’t ipagpaumahin mong hindi ako makalapit. Dahil kung wala akong rason para baliktarin ang damit ko ay hindi ako makauuwi at hindi na kailanman makababalik.
Isinulat ni Seenicaetoh