Kung sasabihin kong naiwan mong buhay ang ilaw

Seenicaetoh
2 min readAug 10, 2024

--

(Pinterest)

Palagi akong pinaaalalahanan ng nanay ko na 'wag iwanang bukas ang bintana kapag aalis, siguraduhing nakapatay ang barbula dahil baka maputol ang tubo, ang mga pagkain ay takpan, at 'wag iwanang buhay ang ilaw.

Kapag daw kasi walang tao sa bahay at buhay ang ilaw, mas may tyansa na may kumatok doon— akalain na nandoon ka pa.

Kaya napansin mo, kapag nalilimutan kong patayin ang ilaw sa tuwing aalis ako ay binabalikan ko. Dahil baka magkasalisihan tayo— akalain mo pa na naroon ako.

Noong nagsama na tayo sa bahay, ayaw mo pang sundin ang paalala sa'kin ng aking ina. Dahil sabi mo, kahit naman buhay o patay ang ilaw ay may kakatok doon kung may magnanais.

Ngunit, hindi kalaunan ay ginawa mo na rin. Minsan pa nga ay ikaw na ang nagagalit kapag ako ang nakakalimot. Halos lahat ng bagay ay alam mo sa akin, maging ang mga kwento kong pinaglumaan na ng panahon ay alam mo.

Ang kwento ko tungkol sa paulit ulit kong paghulog ng kutsara't tinidor kapag wala pa ang mga magulang ko, ang hindi ko pagtingin sa salamin ng ilang taon at ang paghigop ko ng mainit na kape sa tuwing may kasama ako.

Nakakatawang isipin na ikaw palagi ang may interes na makinig sa aking mga kwento. Gumagaan ang pakiramdam ko kapag naririnig ko na ang tawa mong masarap pakinggan.

Bago lumubog ang araw ay nagpaalam ka sa akin na aalis ka at may pupuntahan ka lang. Nagalit akong iniwan mong walang takip ang pagkain, at buhay ang ilaw.

Sumilay ang bukang liwayway at wala ni anino mo ang dumating.

Alam mong magagalit ako dahil hindi mo sinunod ang bilin ng aking ina. Kaya alam kong babalik ka at hihingi ng tawad dahil naiwan mong buhay ang ilaw— na noon ay takot kang baka kapag ako lang mag isa sa ating tahanan ay may kumatok na iba.

Kaya kung sasabihin kong naiwan mong buhay ang ilaw, papatayin mo ba iyon?

Babalikan mo pa ba?

Ako?

Written by Seenicaetoh

--

--

Seenicaetoh
Seenicaetoh

Written by Seenicaetoh

Writing scares me, yet this is my escape/ Tiktok/fb/IG/X: Seenicaetoh

No responses yet