Kahit labindalawang pantig pa ito
Bilang isang manunulat, mahirap sa akin ang humagilap ng salitang babagay sa huling letra ng naunang salita. Kaya prosa ang paborito ko na isulat, dahil malaya ito at walang pinanghahawakang istruktura.
Ang pagkagusto ko sa prosa ay minsan din naging isang tula. Bago ang prosa, tulang may tugmaan ang kinagiliwan ko.
Tula ang nagbibigay sa akin ng kiliti sa damdamin dahil sa mga salitang maaari kong ipares sa susunod na linya. Kailangan ko pa na mag- isip nang malalim para mahanap ko ang mga letrang may kahulugan na aakma sa emosyon ng paksa.
Labindalawang pantig na tula ang parati kong pinipili dahil hindi ito kulang, hindi rin naman labis. Sakto lang para mailagay ko ang mga salitang hindi ko masabi nang diretsahan.
Ngunit nang mapagtanto kong hindi mo na ninanais pa na maging isang salita na tutugma sa damdamin ko bilang isang paksa ay lumbay at hinagpis ang emosyong naipadama ko sa aking tula.
Nakagawa ako ng isang pyesa na hindi tula ang laman ngunit may tugmaan ang mga tanong sa nasambit mong sagot.
Hinagod mo ako ng tingin na tila nagsasabing ako ang naunang salita na madaling bagayan sa susunod na linya ngunit hindi ako kailanman magiging tugma sa iyong pag- ibig bilang ito ang paksa— ikaw ang paksa.
Na maaaring ako ang naging 'Unang panahon' at hindi ang 'Namuhay sila nang masaya at payapa.'
Ang unang letra sa pag- ibig, ngunit hindi kailanman magiging iyong iniibig. Hanggang huli, sa una ka lamang magaling. Ginawa mo akong panimula ng iyong tula, may tugmaan at kahulugan.
Ngunit sa huli, ginawa mo akong prosa. Pinalaya mo ako't niligaw, binigyan ng bagong paksa at hinayaang makatagpo ng iba't ibang salita. Ang paksang hindi ko inaaasahang magiging ako— bigong pag- ibig.
Kaya kahit bigyan ako ng takdang aralin na paborito kong gawin, kahit labindalawang pantig pa ang kailangan kong tulain, hindi ko ito gagawin.
Dahil hindi ko na nanaisin pa na tumugma sa iyo kung ang mga salitang bibigkasin ko ay "Iniibig kita" at susundan mo lamang ito ng "Inibig kita"...
Ay huwag na lang.
Isinulat ni Seenicaetoh