Kaginhawaan ng pagpalakpak sa tagumpay ng iba

Seenicaetoh
2 min readAug 8, 2024

--

(Pinterest)

Minsan kong natanong ang aking sarili kung bakit hindi ako kasing galing ng bawat manunulat na nakikilala ko.

Kung bakit tila ang bawat magagandang salita ay mailap sa aking bibig; maging sa aking mga papel.

Mabigat ba ang aking kamay para hindi maging maganda ang aking piyesa at mapunit ang papel dahil sa diin ng panulat?

"Kailan ako magiging magaling?"

Isang tanong na hindi ko pa rin masagot sa ilang taong pagsusulat ko.

Ngunit maniniwala ka bang sa kabila ng mga ito ay nahahanap ko pa rin ang kaginhawaan ng pagpalakpak sa tagumpay ng ibang tao?

Payapa ang nananaig at hindi inggit?

Minsan akong hindi naging sapat sa aking paningin at siguro sa paningin din ng iba. Pero hindi kailanman magiging kulang sa aking mga mata ang kakayahan at kagalingan ng iba para maging mabigat ang mga kamay ko sa pag angat...

At sa paggawa ng tunog na malakas— na may pagbubunyi at pagiging masaya para sa tagumpay na minsan din naging hirap at kirot sa kanila.

Isipin mo sanang hindi ako nagkukunwari, sapagkat totoong nahanap ko na.

Ang kaginhawaan ng pagpalakpak sa tagumpay ng iba ay nagbibigay sa akin ng kasiguraduhan na baka balang araw ay ako naman.

Kahit mabagal, kahit matagal, at kahit mapapagal...

Maghihintay ako kahit abutin ng paglubog ng araw at masilayan na ang bukang liwayway.

Dahil naniniwala akong mararamdaman ko rin ang kaginhawaan sa palakpak ng ibang tao kapag ako naman ang nagtagumpay.

Written by Seenicaetoh

--

--

Seenicaetoh
Seenicaetoh

Written by Seenicaetoh

Writing scares me, yet this is my escape/ Tiktok/fb/IG/X: Seenicaetoh

No responses yet