Inihaw na gusto ko

Inihaw na gusto ko

Seenicaetoh
2 min read2 days ago

--

Kapag may handaan sa baryo namin, kaabang- abang para sa akin ang inihaw o 'yung mga pagkain katulad ng nilagang baka. Gusto ko kasi ang pakiramdam na may mga taong maiingay sa labas habang nagsisibak ng kahoy para may panggatong.

'Yung tipong gabi pa lamang ay naghahanda na ang lahat para sa kinabukasang kasiyahan. Kung 'yung ibang tao ay ayaw sa usok dahil nga naman, mabaho ito sa damit at mabilis kumapit ang amoy sa buhok. Ngunit ako, gusto ko ito. Pakiramdam ko kasi bumabalik ako sa pagkabata kung saan lahat ng bagay ayos lang.

Gustong gusto ko sa tuwing sisilay ako sa bintana at makikita ko na ang lahat ng tao nagtutulungan para sumaya. May mahabang mesa kung saan may mga nanay at dalagita ang nakaupo. Naghihiwa ng mga gulay at karne na panigurado ay menudo o kare- kare ang putaheng ihahain.

Natanaw kitang hindi pa nakapagpapabaga ng kahoy hindi katulad ng ibang lutuan na usok na usok na. Kaya bumaba ako at nilapitan ka. Inabutan muna kita ng isang basong tubig dahil paniguradong busog ka na sa usok na nalunok mo.

Nawala ang guhit sa noo mo na dala ng pagkakunot nito at marahang ngumiti sa akin. Humawak ka sa batok mo at sinabing...

“Ang tagal ko magpaapoy 'no. Wala pa tuloy ang paborito mong inihaw."

Kinuha ko ang posporo at tinulungan siyang magpabaga. Nang umupo kami habang may hawak na mga pamaypay, tila biglang nawala ang mga tao sa paligid— ngiti niya ang nagpawala nito.

Dahil katulad ng pag- iihaw, hindi kailangan na palaging matindi ang apoy. Minsan, ang pagpapanatili ng init ay sobra pa sa sapat. Lalo na kapag hinaluan mo ng katamtaman, kalmado, at dahan- dahang paypay; mapawi man ang apoy ay 'wag mag- alala dahil habang may init, asahang maluluto pa rin ito. Masarap pa rin ito.

Iyon ang mga gusto ko sa inihaw...

Kasama ang ikaw.

Isinulat ni Seenicaetoh

--

--

Seenicaetoh
Seenicaetoh

Written by Seenicaetoh

Writing scares me, yet this is my escape/ Tiktok/fb/IG/X: Seenicaetoh

No responses yet