Huwag mo lang basta hawakan ang baso
Kung pupunta ka sa bahay namin, magsabi ka. Para makapaglinis ako nang paulit ulit. 'Yung tipong kawawalis ko lang ay magwawalis ulit ako para naman wala kang makita ni isang alikabok.
Pagpasok mo sa bahay, hindi kita hahayaang mag- apak lamang. Ipasusuot ko sa iyo ang paborito kong panloob na tsinelas na kulay rosas— kakulay ng pisngi at labi mo.
Pauupuin kita sa upuan para maging komportable ka, bibigyan ng unan para ilagay sa mga hita mo. O mas magiging komportable ka kung katabi mo ako?
Bago ka dumating, papalitan ko ang mga litratong nakalagay sa mga pasimano at papalitan ang mga litratong kasama ako ng solong mukha ko lamang. 'Yung maganda at presentable.
Kung tatanungin ako ng aking ina kung bakit ako balisa bago ka dumating, ang isasagot ko ay isa lamang.
"Darating kasi siya."
Kumatok ka ng tatlong beses sa aming pinto kaya kumaripas ako ng takbo ngunit pinagbuksan ka na tila hindi ako nagmadali.
Inayos ko nang kaunti ang suot kong bistida, habang humawak ka naman sa iyong batok at tumingin sa bandang kanan. May dala kang pagkain— adobong manok na sa tingin ko ay binili mo sa paborito kong karinderya.
Pinapasok kita at inihanda ang pagkain. Masarap ang adobong dala mo, sakto ang asim na may tamis nang kiligin ako sa gagatingot mong titig. May alat lamang akong naramdaman nang binigyan kita ng baso upang lagyan ng tubig.
Uhaw na kasi ako sa pagmamahal mo. Nais ko sanang uminom ng kaunting sulyap mula sa iyo — ‘Wag mo akong tipirin. Kaya sana, huwag mo lang basta hawakan ang baso.
Galawin mo rin ito, punan at marahang ibigay sa akin.
Isinulat ni Seenicaetoh