Hindi na ako uhaw
Sabi nila, mahirap daw akong kilalanin. Masyado raw kasi akong komplikado, mabusisi, at maraming personalidad. May ibang tao na kilala ako bilang mahinhin, may iba naman na nararanasan ang pagkakulit ko, at may iba na nabibingi sa aking katahimikan.
Ngunit isa lang sa mga iyon ang kilala ako bilang ako. Na nakita na ang lalim ng emosyon, damdamin, at pagkatao ko. Naalala ko pa nga noong sinabi mo na...
"Binili ko 'to kasi 'di ba paborito mo ang kulay pula."
Alam mo kung saan at paano ako sasaya, kung kailan ko kailangan ilabas ang lungkot— kahit pa masaktan ka sa hampas at suntok ko ay ayos lang. Dahil alam mong iyon ang paraan ko.
Masaya akong matagpuan ka, malakas ako pero akalain mong biglaan na hindi ko kayang magbuhat ng upuan?
Kada kakain tayo ay wala kang pinalampas na pagkakataon para ipag- usod ako ng upuan, tila pinaranas mo sa akin ang maging prinsesa.
Hindi ko gusto ang pakiramdam na nasa tubig ako, dahil pakiramdam ko lalamunin ako nito. Pero nakapagtatakang noong nauhaw ako ay pinainom mo ako ng pagmamahal mo. Gusto ko na ang pakiramdam na malunod sa ganoong paraan.
Hindi sa paraan na nilunod mo ako sa lungkot at hinagpis. Bakit parang ang bilis naman?
Kung hindi mo nakikitang nalulunod na pala ako, palaisipan na sa akin kung nakilala mo ba ako nang mas malalim— minahal mo man lang ba ako nang may lalim.
Sana sinabi mong hindi mo na ako nakikita, para naman sana nakapaghanda ako— mag- ipon ng tubig para hindi na ako mauhaw.
Hindi ito tungkol sa tubig.
Isinulat ni Seenicaetoh