Hayaan mo ako
May mga bagay na kaya ko naman gawin mag- isa. Kagaya ng pagtawid sa kalsada, kumain, maglaro sa perya, magkalikot ng gamit sa bahay— na para bang hindi ko na kailangan ng isang lalaki sa buhay ko.
Lumaki akong walang kasamang lalaki sa bahay, kung kaya’t sanay ako na gawin ang mga bagay bagay na hindi iniisip kung para kaninong kasarian lang ba dapat ang gawain na ito.
Kaya naman nung dumating ka, hindi ako sanay. Naiinis pa nga ako dahil madalas mo akong tanungin ng, "Kumain ka na ba?" Gusto kong sabihin na, "S'yempre, anong oras na kaya."
"May payong kang dala? Maulan, mabilis ka pa naman magkasakit." Sabi mo pa.
Sagot ko naman, "S'yempre, meron. Alam ko naman na 'yon."
Kinaiinis ko kapag tinatanong mo ako ng mga bagay na alam ko naman na. Kung hindi ko ba nalimutan ang pampatak ko sa mata dahil kada apat na oras ay dapat maglagay ako non. Mga maliliit na bagay na alam ko na.
| Pero iyo pa ring ipinapaalala.
Tinanong kita, "Bakit?"
Ang sagot mo, "Bakit hindi?"
Isang beses nang mapadaan ka rito sa bahay namin. May dala kang mga dalandan dahil nalaman mong sinisipon ako.
Nagpasalamat ako't kumuha ng isa. Nang babalatan ko na, nagsalita kang bigla.
"Ako na magbabalat n'yan."
"Kaya ko naman." Sagot ko.
"Alam kong kaya mo, pero hayaan mo akong gawin 'to para sa'yo."
Napagtanto ko na hindi na nga lang pala ako ang nag iisip para sa sarili ko. Nung dumating ka sa buhay ko, hinayaan kong kunin mo ang kalahati ng puso ko.
Ang kalahati ng isang daang porsyento na aking pag- aalala ay kinuha mo para mabawasan ang bigat na aking nararamdaman.
Hindi mo lang basta kinuha ito, pinalitan mo pa ng pag iisip na,
"Hindi masamang magpakababae, alam kong malakas ka. Pero kung masira man ang bentilador mo, hayaan mong ako na ang mag ayos non."
Written by: Seenicaetoh