“Eskinitang minsan kong naging tahanan”

Seenicaetoh
2 min readJul 31, 2024

--

From pinterest

"Pa, hatid mo po ako."

"Papa, pahatid ako roon."

"Pa, aalis ako ngayon, hatid mo po ako."

Tricycle driver ang tatay ko. Kung kaya't sa tuwing aalis ako, madali na lamang sa akin ang magpahatid sa kaniya.

Minsan pa nga, kahit hindi ko na sabihin ay alam na niya agad kung saan ako pupunta. Dahil sa tuwing magpapahatid ako, iisang lugar lang din naman ang binababaan ko.

Madalas din, ako ang sinasama ng nanay ko sa mga lugar na madalas siyang maligaw. Dahil magaling daw akong magkabisa ng mga komplikadong bagay.

Kung kailan mo isinuot ang sumbrerong bigay ko, kailan mo nalimutang dalhin ang proyekto mong ipapasa na sa araw na iyon, saan mo naiwan ang telepono mo, ang iyong limang paboritong kulay, at marami pa.

Mga bagay na hindi mo sinasabi sa iba, ngunit ako...alam ko.

Hindi ko rin naranasan ang maligaw sa daan, o 'di kaya lumagpas ang jeep o tricyle na sinasakyan ko. Dahil alam na alam ko kung saan ako dapat na bumaba.

Hindi ako maliligaw.

Kahit pa magkaroon ng bagong establisyemento sa tapat ng lugar na 'yon, bigyan ng bagong bihis o maraming nakaharang na mga manggagawa— hindi pa rin ako maliligaw, hindi pa rin ako magdadalawang isip na bumaba.

Pero nang umalis ka, kahit na hindi ako dapat na lumagpas ay lumagpas ako at hindi bumaba. Na tila ang ilang taon na pagkakabisa ko sa bawat sulok ng lugar na iyon...ay biglang nawala.

"Nak, pasensya. Lumagpas tayo, hindi na ako nasanay sa malaking bahay na nakaharang, kahit matagal naman na 'yan itinayo." Sabi ng tatay ko.

"Hindi, Pa. Tama po, lalagpas na po talaga tayo."

Deretso ang tingin ko, at nangakong hindi na lilingon pa.

Dahil ang eskinitang minsan kong naging tahanan ay tahanan na ng iba.

Written by Seenicaetoh

--

--

Seenicaetoh
Seenicaetoh

Written by Seenicaetoh

Writing scares me, yet this is my escape/ Tiktok/fb/IG/X: Seenicaetoh

No responses yet