Ang timplang minsan nating pinagsaluhan

Seenicaetoh
2 min readAug 24, 2024

--

(Pinterest)

Mahilig ako sa matamis na kape, hindi man halata sa itsura, kilos, at personalidad ko. Kagaya ng ibang bagay na pinaglalaanan ng oras makuha lamang ang tamang sukat at postura, gano'n ko rin pinaglaanan ng panahon ang pagkuha ng tamang timpla sa kape ko— matamis ngunit hindi nakakasawa.

Kaya kapag napapadaan ako sa mga kapihan, napapatigil ako at may bumubulong sa akin na tikman ko rin ang kapeng gawa nila.

Iba- iba ang tamis ng mga ito. May sakto lang, may sobra, may kulang, at wala pa akong natitikman na kasing lasa ng sa akin. Baka nga gano'n siguro, iba pa rin talaga kapag sarili mong timpla.

Isang kutsaritang kapeng barako, at isang kutsarang puting asukal. Sabay ilalagay ang mainit na tubig sa paborito kong tasa na binigay mo sa akin noong unang anibersaryo natin.

Sa tuwing ipinapatikim ko ito sa aking pamilya, hindi nila gusto. Dahil masyado raw matamis sabi ng aking ina at ama, sabi naman ng aking mga kapatid, masyado raw matabang. Wala ni isa ang nagsabi na masarap ito at sakto lamang ang timpla.

Nang mapagawi ka sa amin kinahapunan, pinapasok kita sa aming tahanan at pinagtimpla ka ng kape. Bagay sa dala mong tinapay na kung tawagin ay "Spanish bread".

Tinanong kita, "Anong gusto mong timpla?"

"Kahit ano, basta timpla mo." Sagot mo naman.

Iginaya ko ang kape ko sa kapeng iinumin mo at namangha akong nagustuhan mo.

"Hindi ko ito nagustuhan dahil gusto ko ang nagtimpla, kun'di dahil masarap at sakto talaga."

Simula noon ay pumupunta ka na rito sa amin saktong alas singko ng hapon. Habang may nagsisiga sa labas ay nagkakape naman tayong dalawa. Sakto ang tamis ng kape ngunit sobra ito para sa ating mga ngiti.

Kaya mas mapait pa sa kapeng barako ang naramdaman ko nang tumagal na tayong dalawa. Wala nang sumusulyap sa aking durungawan tuwing alas singko ng hapon, walang tinapay sa hapag na paborito mong dalhin, walang sumusobra na tamis sa mga ngiti, at wala na akong kasalo uminom ng kape.

Bakit nag-iba ang timpla mo?

Tayo ba ang tinutukoy mo nang sabihin mong mapait na ang gusto mong kape?

Saan kang kapihan napagawi? Sana sinabi mo nang masamahan naman kita at madalhan ka ng paborito mong tinapay.

Madaya ang isang taong minsan kang sinamahan magkape ngunit hindi ka man lang hinintay na makatapos at para sabay kayong lilisan.

Madaya ka sapagkat 'di ko na kilala ang kapeng dati nating pinaghatian at ang timplang minsan nating pinagsaluhan.

Written by Seenicaetoh

--

--

Seenicaetoh
Seenicaetoh

Written by Seenicaetoh

Writing scares me, yet this is my escape/ Tiktok/fb/IG/X: Seenicaetoh

Responses (1)